Pano mo nga ba malalaman kung in love ka na? Ano ba talaga ang love? Maraming mga taong hindi pa rin alam kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng salitang ito. Nasa diksyunaryo na nga ang ibig sabihin patuloy pa rin nating hinahanap ang kahulugan. Patuloy pa rin ang ating pagtatanong. Lumaki ako sa mga kasagutang “love is blind”, “love hurts”, at “love makes the world go round”. Mga walang kwentang sagot sa mga walang kwentang autograph books na pinagkakaabalahan natin noong nasa elementarya pa tayo. Walang kwenta. Dahil pagtanda mo, magtataka ka pa rin.. ‘Pagmamahal ba ito?’
Sabi nila, umiibig na daw ang isang tao kapag nararanasan niya ang mga symptoms na ito:
Symptom#1: Pag-iisip
Pagkagising sa umaga, ang mga daliri mo ba ay dumidiretso agad sa kinalalagyan ng iyong cellphone imbes na sa minumutang mga mata? Nalulungkot ka ba kung wala ang pangalan nya sa kinarami-rami ng mga nagsilipanang mga GM? Kung oo, pwes, OO. Siya nga ang laman ng iyong isipan. At madalas, dahil siya ang unang tumakbo sa isip mo, siya rin ang pinakahuli. Nakakasawa na minsan, at mismong ikaw na ang gumagawa ng paraan para siya ay tuluyang mawala. Pinipilit mong kontrolin, pero ayaw pa rin. Maaring Pagmamahal ito, ngunit hindi rin kaya obsessed ka lang?
Symptom#2: Pagkabalisa
Ang mga taong nakakaranas nito ay parang sinapian at bigla na lang nawawala sa sarili. Para bang may kung anong drugs silang nalalanghap kapag nasa paligid na nila ang taong kani-kanina lang ay tumatambay sa kanilang isipan. Pati pagkabog ng dibdib nagiging abnormal. Daig pa nila ang nakatungga ng isang pitsel ng energy drink at kape. Kung nararanasan mo ito, marahil ang mga mata mo rin ay nagiging camera lens, at siya, tanging siya lang, ang nasa foreground ng scenery na pini-picture-an mo. Ngunit, hindi naman sapat na rason ang kaba para masabing mahal mo ang isang tao hindi ba?
Symptom#3: Pagkakilig
Ikaw ba ay napapangiti na lang sa kawalan sa kung anong dahilan ay hindi mo alam? Kapag may narinig kang love song, bigla mo na lang ba syang maaalala? Ikaw ba ay may nararamdamang masayang pagkakilabot sa tuwing naaalala mo ang moments ninyo nang kayo ay magkasama? O di kaya ay natutuwa sa isang kalabit ng alaalang ginawa niya? Sabi nila, kinikilig ka na daw kapag ganoon. Siguro. Ngunit hindi naman ibig sabihin nito mahal mo na yung tao. Maaaring umiibig ka nga, ngunit hindi sa tao, kundi sa isang alaala.
Symptom#4: Pagseselos
Kadalasan makikita sa mga pelikula na ang pagseselos ang nagiging turning point ng taong umiibig. Kapag may kirot daw siyang naramdaman sa tuwing nakikita nya ang kanyang crush na masaya sa piling ng iba ay pag-ibig na raw yon. Nagseselos ka na raw kapag nasasaktan ka sa rasong hindi ka niya masyado pinapansin, sa rasong iba ang kanyang gusto, at sa rasong gusto mong magustuhan ka rin nya sa parehong paraan. Sa tingin ko, baka selfish ka lang. Tulad ng isang batang ayaw maging kalaro ng ibang bata ang kanyang kalaro sa kadahilanang takot siya na baka mas gusto ng kaibigan niya ang ibang bata na maging kalaro. Hindi kaya ipinagdadamot mo lang ang kaniyang kaligayahan?
Symptom#5: Panaginip
Ito ay may koneksyon sa Symptom#1. Kung nangyayari sa iyo ang unang simtomas, natitiyak ko na mararanasan mo din ito, mapapanaginipan mo ang taong iyong “iniibig” o, sa kaso ng mga taong denial, crush. Tila isa itong beer na ininom mo at pagkatapos mong malasing ay magkakahangover ka. Pwede rin itong hangover stage dahil hindi mo basta basta maalis ang isipan mo sa taong ito. Minsan pa nga ay para kang tanga na matutulog ulit sa pagbabakasakaling mapanaginipan mo ulit siya. Tulad ng aking sinabi, hindi kaya adik ka lang talaga sa taong iyan?
Marami pang mga simtomas ang pwedeng makakapagsabi kung in love ka nga talaga. Pero lahat ba ito ay tama? Sa huli tatanungin mo pa rin ang sarili mo nang paulit ulit ulit ulit hanggang sa ikaw ay mabaliw at magsawa na sa mga katagang, "in love na ba ako?" May mga taong nagsasabi na pag mahal mo na nga ang isang tao ay kaya mong gawin ang lahat alang-alang sa ikaliligaya at ikabubuti nito. Gagawin mo ang lahat para sa kanya kahit na gano kasakit ang pagdaraanan mo. Gagawin mo ang lahat lahat hanggang umabot ka na sa punto na nagiging dependent na siya sa iyo. Sa huli, mapapaisip ka na lang kung ano bang meron sa kanya na iyong ikinabulag. Kung ano bang mahikang meron siya at, sa pamamagitan ng kanyang simpleng pagkawala, ay kaya niyang patigilin ang pag-ikot ng iyong mundo. Hay Pagmamahal. Tama nga ang sabi ng autograph books. Love is blind. Love hurts. Love makes the world go round.
Hindi ko sinasabing yun na at yun lang ang base ng Pagmamahal. Alam ko namang walang kahit sinong tao ang makakasabi kung ano ba talaga ang love hangga't hindi niya ito nararamdaman. Iba-iba ang mga tao sa mundo, at sila ay may iba't ibang pananaw ng kung ano ba talaga ang Pagmamahal. Ikaw? Para sayo, ano ba talaga ang love?